Mga Yapak na
Angel
Mga angel
kami pagdating ng Kwaresma at buwan ng Mayo para sa Alay. May mahabang puting
damit ako na tinahi ng aking ina. Ang disenyo ay kinuha sa isang istampita. Ang
aking mga pakpak ay yari sa puting karto na dinikitan ng mga balahibong galing sa mga bibe ng kapitbahay. May halong
din mga bulak na ginagamit din naming parang snow sa aming Christmas tree.
Ilang taon din akong naging angel. Pagtinitignan ko yun aming
mga lumang litrato, isa akong matabang angel na may buhok mais. Sabi ng nanay
ko, ako daw ay isang malaking bulas na bata, anak daw ng German na nagdonate ng
dugo sa aking ina bago ako lumabas sa
dulo ng damo, ang paliwanag sa amin kung nasaan kami nuong panahon ng Hapon. „Wala
pa kayo sa dulo ng damo, hindi pa ninyo alam yun.“ Tapos ang paliwanag sa mga
iba pang tanong.
Masayang
maging angel sa buwan ng Mayo. Siyempre may kainan, hindi matagal ang dasalan
at masaya ang prusisyon. Taon-taon, may imported
na reyna ng mga angel na aming kasama sa prusisyon na umiikot sa Canlubang na
magtatapos sa isang kubol na kung saan nila iaalay ang mga bulaklak. At
pagkatapos ay litratohang aking kinakatakutan dahil sa mga flashbulbs na akala ko ay nagtatalsikan
kaya ako ay nagtatago pag oras na ng litratohan. Ang nakakainis lang, hindi kami nakakakain at
iniuwi agad kami ng aming nanay. Paghatid niya sa aming magkapatid na angel,
babalik naman siya sa handaan samantalang kami ay sandwich lang.
Sa araw
ng Biyernes Santo ang simula ng aming kalbaryo. Papaakyat kami sa simbahan nang
makita ko yun mga kaklase kong mga lalake, nagpapadausdos sila sa mataas na ground ng simbahan. Kantiyaw ni Domingo
T. „Sige nga, lipad ka.” Bibilisan ko na lang ang pagpasok sa simbahan para di
madinig ang kanilang mga kantiyaw at makasama pa yun ibang mga angel. Kung
gaano kaming katagal sa loob ng simbahan ay di ko na alam; may mga natutulog na
anghel, may mga pinapaypayan hanggang sa matapos ang seremonya. Isang tambak na
mga angel na may mga kartong pakpak maglalakad kasama sa gabing prusisyon. At
kung medyo napapagod na ang mga angel o inaantok, may magsusubo sa amin ng
kendi para mawala ang antok at pagod. Wala naman kainan pagkatapos ng prusisyon. Wala rin sandwich. Uwian na lang.
Madami din
naman ang aking childhood happening na aking natatandaan. Naandiyang pasayawin kami
sa Casa de Nipa minsang nagbirthday si Mr. Jose Yulo. At tandang tanda ko rin
na ako ay nagtago sa mga halamanan pagkatapos ng aming sayaw sa takot na
litratohan ng may flashbulbs. Nakita
lang yata ako ng teacher naming sa
Kindergarten kaya nakaladkad ako para kuhanan ng litrato.
Nandiyang
kuhanin akong flower girl sa mga kasalan pero mukhang yun mga kasal na naging
flower girl ako, nagkahiwalayan yata yun mga mag-aasawa. Wala din akong
nakuhang souvenir na litrato.
Panahon
na uli ng kwaresma. Ewan ko lang bakit wala kaming eksena pag Pasko. Naisip ko lang ngayon na baka kasi
isang angel lang ang kailangan para pandikit duon sa taas ng belen.
Linggo ng Pagkabuhay ang
pinakahihintay naming mga angel at ang Salubong na kung saan yun prusisyo ay
nahahati para sa mga kababaihan na kasama ang nagluluksang Mahal na Birhen at
ang mga kalalakihan naman’y kasama ang Mahal na Hesus na nabuhay. Magsasalubong
ang prusisyon duon sa tinatawag na Galilea, isang mataas na struktura na may
mga palaspas at disenyong bituin at alapaap. Sa ilalim nito magaganap ang salubong.
Kumakanta na kami mga angel ng Regina Coeli Laetare, Alleluia at
nagsasabog ng mga bulaklak sa birhen habang pinapanood namin ang pagbubukas ng
“langit” at mga naglalaglagan mga bulaklak at pagbaba ng magandang angel.
Pero walang lumabas na angel kundi
narinig naming ang iyak na ayaw niyang bumaba. Iyak pa siya ng iyak nang marinig
namin ang salitang kumuha ng isang angel duon sa nakapaligid sa Mahal na Birhen.
Karipasan ng takbo kaming mga angel pero nahuli ako ni Mrs. Lorenzo at
sabi „be an obedient child, Babylou.“ Ang sabi ko na tandang tanda ko pa hangga
ngayon, „wala po akong panty.“
Siyempre
di naman tutuo kaya ayun inakyat ako duon sa Galilea para maging Plan B kung
sabihin natin ngayon. Habang iyak pa ng iyak tong angel na si Sylvia, ako
nama’y tinalian na ni Mang Monico para ibaba . Ilan yata silang mga lalaki nagtulongtulong sa pagbuhat sa matabang angel.
Inay, ang taas at
sumigaw din ako ng ayoko!
Bumitin ako duon sa tali at para si
Jane akong sumisigaw ng ayoko habang umiikot ako duon sa rebulto ng birhen. Nakita ko din
si Father Latorre at sumigaw sa akin na kuhanin mo ang belo!
Naisip
ko din na walang mangyayari kaya dapat tapusin na ang drama. Kinuha ko ang belo
ng Birhen at pagkatapos nuon, ako’y hinilang pataas sa Galilea. Kantahan sila
ulit ng Alleluia, nakatawa na din yun ibang mga angel at natapos din ang
salubong.
Isang
magandang alaala sa panahon ng kwaresma. Yun kay Hudas, ibang storya na lang.