Mga Yapak na
Angel
Mga angel kami pagdating ng Kwaresma at buwan ng Mayo para sa Alay. May mahabang puting damit ako na tinahi ng aking ina. Ang disenyo ay kinuha sa isang istampita. Ang aking mga pakpak ay yari sa puting karto na dinikitan ng mga balahibong galing sa mga bibe ng kapitbahay. May halong din mga bulak na ginagamit din naming parang snow sa aming Christmas tree.
Ilang taon din akong naging angel. Pagtinitignan ko yun aming mga lumang litrato, isa akong matabang angel na may buhok mais. Sabi ng nanay ko, ako daw ay isang malaking bulas na bata, anak daw ng German na nagdonate ng dugo sa aking ina bago ako lumabas sa dulo ng damo, ang paliwanag sa amin kung nasaan kami nuong panahon ng Hapon. „Wala pa kayo sa dulo ng damo, hindi pa ninyo alam yun.“ Tapos ang paliwanag sa mga iba pang tanong.
Masayang maging angel sa buwan ng Mayo. Siyempre may kainan, hindi matagal ang dasalan at masaya ang prusisyon. Taon-taon, may imported na reyna ng mga angel na aming kasama sa prusisyon na umiikot sa Canlubang na magtatapos sa isang kubol na kung saan nila iaalay ang mga bulaklak. At pagkatapos ay litratohang aking kinakatakutan dahil sa mga flashbulbs na akala ko ay nagtatalsikan kaya ako ay nagtatago pag oras na ng litratohan. Ang nakakainis lang, hindi kami nakakakain at iniuwi agad kami ng aming nanay. Paghatid niya sa aming magkapatid na angel, babalik naman siya sa handaan samantalang kami ay sandwich lang.
Sa araw ng Biyernes Santo ang simula ng aming kalbaryo. Papaakyat kami sa simbahan nang makita ko yun mga kaklase kong mga lalake, nagpapadausdos sila sa mataas na ground ng simbahan. Kantiyaw ni Domingo T. „Sige nga, lipad ka.” Bibilisan ko na lang ang pagpasok sa simbahan para di madinig ang kanilang mga kantiyaw at makasama pa yun ibang mga angel. Kung gaano kaming katagal sa loob ng simbahan ay di ko na alam; may mga natutulog na anghel, may mga pinapaypayan hanggang sa matapos ang seremonya. Isang tambak na mga angel na may mga kartong pakpak maglalakad kasama sa gabing prusisyon. At kung medyo napapagod na ang mga angel o inaantok, may magsusubo sa amin ng kendi para mawala ang antok at pagod. Wala naman kainan pagkatapos ng prusisyon. Wala rin sandwich. Uwian na lang.
Madami din naman ang aking childhood happening na aking natatandaan. Naandiyang pasayawin kami sa Casa de Nipa minsang nagbirthday si Mr. Jose Yulo. At tandang tanda ko rin na ako ay nagtago sa mga halamanan pagkatapos ng aming sayaw sa takot na litratohan ng may flashbulbs. Nakita lang yata ako ng teacher naming sa Kindergarten kaya nakaladkad ako para kuhanan ng litrato.
Nandiyang kuhanin akong flower girl sa mga kasalan pero mukhang yun mga kasal na naging flower girl ako, nagkahiwalayan yata yun mga mag-aasawa. Wala din akong nakuhang souvenir na litrato.
Panahon na uli ng kwaresma. Ewan ko lang bakit wala kaming eksena pag Pasko. Naisip ko lang ngayon na baka kasi isang angel lang ang kailangan para pandikit duon sa taas ng belen.
Linggo ng Pagkabuhay ang
pinakahihintay naming mga angel at ang Salubong na kung saan yun prusisyo ay
nahahati para sa mga kababaihan na kasama ang nagluluksang Mahal na Birhen at
ang mga kalalakihan naman’y kasama ang Mahal na Hesus na nabuhay. Magsasalubong
ang prusisyon duon sa tinatawag na Galilea, isang mataas na struktura na may
mga palaspas at disenyong bituin at alapaap. Sa ilalim nito magaganap ang salubong.
Kumakanta na kami mga angel ng Regina Coeli Laetare, Alleluia at
nagsasabog ng mga bulaklak sa birhen habang pinapanood namin ang pagbubukas ng
“langit” at mga naglalaglagan mga bulaklak at pagbaba ng magandang angel.
No comments:
Post a Comment