Thursday, 18 December 2008

December 18, International Migrants' Day Cross-posting Balikbayang Sinta



BALIKBAYANG SINTA

Iiwan mo lahat ng iyong minamahal; ito ang palaso na unang
Ipinawawalan ng busog ng pagkatapon…
…Dante Alighieri

Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod

Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar
Sa pagkamulat kukurap-kurap sa pagtulog puso’y nagsisikip
Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay

Lumipad ka na patungong Toronto at New York
Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga
Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog

Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco
Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng “Mabuhay!”
Alinlangang luha’y naglambitin sa bahag-hari ng bawat yapos

Lumipad ka na patungong Hongkong at Tokyo
“Di kita malilimot” – pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam
Nabakling pakpak usok sa bagwis inalagwang talulot ng bituing nasunog

Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh
Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop
Ibon kang nagpumiglas alay mo’y talim ng paglayang nilalangit

Lumipad ka O sintang mahal, ngunit saang kandugan ka lalapag?

Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis
Aking kaluluwang hiniwa`t ikinalat sa bawat sulok ng daigdig.

Piniling mga Tula ni
E. San Juan, Jr.

in BUKAS, MAY-NILAD!

No comments: