Naalala ko pa mula sa aking ina
Naalala ko ang
mga damit na yong tinahi
May isang gustong gusto kong isuot
Dilaw na damit sleeveless kung tawagin
Binurdahan mo ng dalawang aso
Kulay kape at mayroon pang nakakabit
Na laso.
Sa aking unang
kommunyon
Ginatsilyong bonnet na kulay puti
Ang pinasuot mo sa akin.
Ang aking tanong, bakit ako walang belo
Tulad nang sinuot ng ate ko.
Hindi mo nakita nang ako’y
Nag-anghel sa prusisyon ng salubong
Sa Piyesta ng Pagkabuhay
Nasa bahay ka lang
Nagsilang ng bagong
anghel
Sa aming magkakapatid
At tuwangtuwang ibinalita ko
Ako ang kumuha ng belo.
Maliit pa ako ng tanungin kita
Bakit ka mahirap di tulad ng mga
Ibang kapatid mo
Ano ang kasagutan sa tanong ng
Isang musmos na hindi maunawaan
Bakit may mahirap at bakit may mayamang tao.
Natatandaan ko pa ang ‘yong mga kwento
Na narinig mo kay Lolo Linong mestiso
Tungkol sa mga spiritung gumagala
Sasabihin niya sa inyong magkapatid
Takpan ang inyong mga mata habang
Hindi nalalampasan ang malalaking puno
Habang ang tatay
ninyo’ y nagsasalita
Umalis kayo dyan
Eto’y mga bata.
Natatandaan ko pa din ang malimit mong
Ikwento sa aming magkakapatid
Sa lumang eskwelahan
Maraming dwende naglalaro sa oras ng aralan
Nililigawan ang inyong maestra, hindi naman
Niya nakikita ang dwendeng may gusto sa kaniya
Habang aliw na aliw kayong mga bata
Sa kahahabol sa mga dwendeng
tumutulay sa writing board at kisame.
Mga pamahiin, mga paniniwala
Mula sa yong mga bibig
Pinalaki mo sa amin
Huwag magtapon ng bigas o kanin
At baka magtampo ang spiritu nila
Di na bumalik sa bahay natin.
Pag ang bata ay biglang iiyak
Sasabihin mong ‘maykan, maykan’
Pababalikin ang natatakot at nawawalang
Spiritu ng bata
At kung kami naman’y may biglang sakit ng tiyan
ay dadalhin kami sa kilalang mangangaway
para tawasin at malaman kung sino ang
may kagagawan ng sakit at makahingi ng laway.
Miyembro ka ng Legion of Mary, Sacred Heart,
Catholic Women’s League, at naging katekista
At sa iyong kabataan ay artista pa sa lokal na sarsuela
Tindera, naging Blue Lady at kung ano-ano pa
Tinagurian Mommy
Tonie
Tagapagdasal
para sa mga kaluluwa.
Para sa ‘yo, Mommy
Tonie,
Maraming, maraming salamat
Di man kita napasalamatan
lubos
Sa pagiging
ina namin
Sa mga bagay na hindi natin pinagkaunawaan
Patawad ang aking hiling
Alam mong
mahal na mahal ka namin.